Sa panahon pa ng unang bayan ng Diyos ay mahigpit na Niyang itinagubilin na ang mga lingkod Niya ay hindi dapat na magkaroon ng mga diosdiosan o mga larawan o rebulto ng anumang nilalang na paglilingkuran o sasambahin. Binababalaan ng Diyos na parurusahan Niya ang sinumang sasamba sa mga larawan.
Masama raw ba na magkaroon ang tao ng larawan ng Panginoong Jesucristo?
Aba, kung tunay na larawan ng Panginoong Jesucristo ay hindi masama. Sapagkat kung ang mga mahal nga natin sa buhay ay mayroon tayong iniingatan larawan, maging ang mga kinikilalang bayani ng ating bansa lalo na ang mga nagbuwis ng buhay, iginagawa pa nga ng mga monumento para sila ay maala-ala ng mga mamamayan, gaano pa kung larawan ng pinakadakilang tao na nagbuwis ng kanyang buhay para sa mga ililigtas Niya. Pero ang problema ay wala namang nakuhang tunay na larawan ng Panginoong Jesucristo.
Baka isipin nila na sinasabi lang ninyo ‘yan dahil sa hindi tayo kaisa sa ginagawa nilang pagsamba sa larawan?
At kung totoo na walang nakuhang tunay na larawan ng Cristo, saan nanggaling ang mga nakikita ngayon na diumano ay larawan daw Niya?
1. Guhit batay sa imahinasyon ng pintor o iskultorA……… NEW HISTORY OF CHRISTIANITY, 1996 Vivian Green pp. 20-21
Gayundin naman, ang pagkakalarawan kay Cristo, sa kabila ng wala namang nagawang larawan Niya sa Kaniyang panahon, ay nabago alinsunod hindi lamang sa imahinasyon ng indibiduwal na pintor o iskultor kundi maging sa idinidikta ng mga paniniwalang panlipunan at panteolohiya sa panahon na ang partikular na dibuho o iskultura ay ginawa.
Maliwanag na pinatutunayan sa ating binasa na walang nagawang larawan ng Cristo sa Kaniyang kapanahunan. Kaya ang mga pintor na nagsiguhit ng diumano ay larawan daw ng Panginoong Jesucristo ay gumuhit bunga ng kanilang sariling imahinasyon at ng idinidikta ng mga paniniwalang panlipunan at panteolohiya sa panahon na ang partikular na dibuho o iskultura ay ginawa.
Ano ang naging epekto sa mga iginuhit na mga larawan daw ng Cristo dahil sa ang mga pintor ay gumuhit batay lamang sa kanilang imahinasyon?
2. Tulad ng pinatutunayan sa ating binasa nababago ang paglalarawan sa Cristo. At kung paano nagkaroon ng mga pagbabagu-bago A NEW HISTORY OF CHRISTIANITY, 1996 by Vivian Green pp. 20-21
Kaya ang mukha ni Cristo na nakaukit sa mga katakumbang Romano, na walang balbas at maganda may maikling buhok na maayos ang pagkakulut, ay maaaring magpagunita sa mga mananamba noon ng mga nagdaang bayani tulad ni Alejandrong Dakila at ng iba pang mala-diyos na nilalang na sinamba ng sinaunang mundo. Nang maging lehitimong relihiyon (ng imperyo) ang Cristianismo, di kataka-taka na ang itsura ng larawan ni Cristo ay nagkaroon ng mga katangiang marapat sa isang emperador, may sinag sa ulo (halo), kapita-pitagan, nasa katamtamang edad, balbas-sarado na gaya ng sa isang pilosopo, guro, at tagapagbigay ng batas. Sa gitnang panahon, dalawang uri ng sining ang waring nagtunggalian sa isa’t isa: yaong (larawan ni) Cristo na gawa ng mga Byzantine –- mala-mahistrado, mahirap abutin, walang damdamin, itim ang balbas; at yaong gawa na waring labis na kinagiliwan sa daigdig ng mga kumikiling sa Gothic –- mas bata, espiritwal, guwapo, nakatapak sa lupa ngunit nakahihigit sa iba, gaya ng estatuwa ng “beau dieu” na nasa Katedral ng Amiens, isang tinitingalang bayani sa mataas na lipunan. Kung ang mga pintor na sina Leonardo da Vinci at Michaelangelo ay naakit na idolohin si Cristo bilang isang mala-Diyos at guwapong bayani, mayroon namang iba na, dahil sa labis na naapektuhan ng labis na kalungkutan ng pangkariniwang buhay, ay ipininta si Cristo bilang isang Taong bihasa sa kapanglawan, na pasan-pasan ang mga kasalanan at pagdurusa ng napahamak na sanlibutan. Tila bawat salinlahi ay iginuhit si Cristo batay sa kanilang pangangailangan, kung kaya’t ang kaniyang mukha ay naglalarawan ng mga pangarap at pangamba ng isang nagbabagong mundo.
Ito ang naging masamang epekto dahil sa ang mga pintor na naglarawan ng Cristo ay gumuhit ng batay lamang sa kanilang mga imahinasyon, nagkaroon tuloy ng iba’t ibang anyo ang Cristo na kanilang iginuhit. Tulad ng nakaukit sa katakumbang Romano, walang balbas, kulot at may maikling buhok. Mayroon ding Cristong anyong Emperador na may sinag sa ulo (halo). Mayroon pang Cristong balbas-sarado na gaya ng isang pilosopo, guro at tagapagbigay ng batas.
Batay din sa aklat noon palang gitnang panahon ay nagkaroon pa ng waring tunggalian ang dalawang uri ng sining, ang larawan ng Cristo na gawa ng Byzantine na ang anyo ay mala-mahistrado, mahirap abutin, walang damdamin, itim ang balbas at ang nasa Katedral ng Amiens – mas bata, espirituwal, guwapo, nakatapak sa lupa ngunit nakahihigit sa iba.
Alinman sa mga iyan ay hindi tunay na larawan ng Panginoong Jesucristo kundi bunga lamang ng mga imahinasyon ng mga nagsiguhit.
Binanggit din po diyan si Leonardo da Vinci na isa sa mga kilalang pintor na naglarawan sa ating Panginoong Jesucristo.
Ano naman ang pinagbatayan niya sa kaniyang pagguhit?
3. Gumamit siya ng modelo …………My Catholic Faith, by Most Rev. Louis LaRavoire Morrow. Nihil Obstat: Henricus A. Coffey, Imprimatur: Michael J. O’Doherty, p. 82
“Sinasabing ang modelong ginamit ng dakilang pintor na si Leonardo da Vinci sa kaniyang paglalarawan kay Jesucristo sa guhit niyang ‘Ang Huling Hapunan’ ay isang binatang may di-pangkaraniwang kagandahan, na may anyong nangungusap ng ganap na kawalang malay at katapatan.
“Pagkaraan ng ilang taon, nang handa nang iguhit ni Leonardo da Vinci ang larawan ni Judas ang taksil na Apostol, nahirapan siyang humanap ng modelo. Kaya’t naparoon siya sa mga dakong pinamumugaran ng kasamaan, sa mga dakong pinagtitipunan ng pinakamasasamang kriminal, upang makatagpo ng isang nababagay na modelo. Nakita niya ang lahat ng uri ng mga kriminal, mga lalaking may mababang uri na ganap nang nawalan ng lahat ng damdamin ukol sa kagandahang-asal, nguni’t hindi pa rin siya nasiyahan.
Sa binasa nating ito ay inilalahad na sa guhit ni Leonardo da Vinci na tinawag na “Ang Huling Hapunan” ay gumamit siya ng modelo para ilarawan ang anyo ng Cristo. Ayon sa ating binasa ang ginamit niya ay isang binatang may di pangkaraniwang kagandahan, na ang anyo ay nangungusap ng kawalang malay at katapatan. Ang punto na importanteng makita, hindi tunay na anyo ng Cristo ang nakikitang diumano ay larawan Niya sa tinatawag na “Ang Huling Hapunan” kundi anyo ng isang binata na ayon sa iba ang pangalan daw ng nasabing modelo ay Petro Vandenili.
Nagkaproblema si Leonardo da Vinci sa paghanap ng gagamitin niyang modelo ng Judas dahil ang sabi sa aklat na ito bagaman nagpunta na siya sa mga dakong pinamumugaran ng mga kasamaan at nakita na niya halos lahat ng uri ng kriminal pero hindi pa rin siya nasiyahan. Mapili si Leonardo da Vinci sa gagamitin niyang modelo.
Nakakita rin ba siya ng magagamit na modelo para sa Judas?
4. Modelo ni Leonardo da Vinci para sa Judas. My Catholic Faith, by Most Rev. Louis LaRavoire Morrow. Nihil Obstat: Henricus A. Coffey, Imprimatur: Michael J. O’Doherty, p. 82
“Sa wakas, isang araw ay minatyagan niya ang isang taong wala nang kabuluhan na tumalilis sa sulok ng isang bahay-aliwan. Ang kaniyang mukha ay may anyong mapanganib at mala-diablo kaya’t natiyak ng pintor na tapos na ang kaniyang paghahanap ng modelo para kay Judas. Nang lumapit siya, napasang-ayon niya ang lalaki sa alok ng isang malaking halaga ng salapi, upang umupo bilang modelo.
“Ang sunud-sunod na pag-upo ay halos matatapos na nang isang araw ay sinabi ni Leonardo da Vinci, ‘alam mo, mula nang dumating ka, para bang nakita na kita noon sa isang dako. Maaaring ako ay nagkakamali, nguni’t ang aking damdamin ay mapilit...’ Dahil dito ang tao sa pagbulalas ng kaniyang kawalan ng pag-asa ay sumigaw, ‘Oo, nakita mo na ako noon! Ako yaong walang malay na binata na umupo bilang modelo para sa larawan ng Cristo roon... At ngayon, tingnan mo kung papaano ako umuupo para kay Judas, para kay Judas...’”
Ito ang sinasabi ng aklat na sa wakas (dahil sa tiyaga ni Leonardo da Vinci na maghanap ng nababagay na larawan) nakakita siya ng isang taong ang mukha ay anyong mapanganib at mala-diablo, kaya inalok niya ng isang malaking halaga ng salapi para umupo bilang modelo.
Samakatuwid, kung paanong modelo ang ginamit ni Leonardo da Vinci para ilarawan ang Cristo, ay modelo rin ang ginamit niya para ilarawan naman si Judas Iscariote.
Pero ang lalong kagimbal-gimbal dito ay ang katotoha-nang, ang modelo na ginamit ni Leonardo da Vinci para sa Cristo, pagkalipas ng ilang taon ay iyon din ang nakuha niyang modelo para naman sa iginuhit niyang Judas.
Pero ang itinatanong ng iba, kung hindi larawan o imagen ng Panginoong Jesucristo ang nakikitang mga larawan at mga rebulto, bakit daw gumagawa ang Diyos ng milagro sa pamamagitan ng mga imahen?
5. Hindi siya gagawa ng milagro sa pamamagitan ng mga larawan at rebulto na sinasamba at pinaglilingkuran ng mga tao ………………ISAIAS 42:8
“8Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inayuan.
Tiniyak ng Diyos na hindi niya ibibigay ang Kaniyang kaluwalhatian at kapurihan sa mga larawang inanyuan. Kaya natitiyak natin ngayon, batay sa pahayag na ito ng Diyos na kung mayroon mang napapabalita na mga milagro daw na nagaganap sa mga larawan o rebulto iyon ay hindi gawa ng Diyos. Sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos ang pagsamba at paglilingkod sa mga larawan, bakit Siya gagawa ng milagro sa mga iyan.
Sino kung gayon ang may kinalaman sa mga nagaganap daw na milagro sa mga larawan at mga rebulto?
6. Ang pasasagutin natin ay aklat Katoliko,…………PASION GENESIS ni Dr. D. Mariano Pilapil p. 489
Ang mga pagmimilagro tutulungan ng demonyo siya ay magkakabayo,
Anopa’t sa buong mundo maghahari itong lilo.
Hindi natin ito salita, kundi salita ng pari na may akda nitong pasion. Ang pagmimilagro raw ay tutulungan ng demonyo.
Paano raw ba tumutulong ang demonyo sa pagmimilagro, at ano po ang katunayan na ang milagro na tinutukoy ng Pasion ay ang sinasabing milagro sa larawan?
7. Pasiong Katoliko ……………………………………….. PASION CANDABA p. 24
Sa dioses nila, i ang demonyo, i nasoc sa canilang tawag siyang sumasagot
Nang palisya-lisya’t, nang huag matalos ang cabulaanan ng canilang dios.
Ito ang sinasabi ng pasion kung paano tumutulong ang demonyo sa pagmimilagro ng mga rebulto. Pinapasok pala ng demonyo ang mga dios-diosan o mga larawan at rebulto na sinasamba at pinaglilingkuran ng ibang mga tao at siya ang sumasagot sa kanilang mga tawag upang hindi mahalata. Kaya dapat na po na itakwil ang paglilingkod at pagsamba sa mga larawan.

No comments:
Post a Comment